Nakalista sa Levitico 11 ang mga pagkain na ipinagbabawal ng Diyos para sa bansang Israel. Kasama sa mga bawal na pagkain ang karneng baboy, may shell na mga lamang dagat, karamihan ng mga insekto, mga ibon na kumakain ng kahit ano at iba’t ibang uri ng pagkain. Hindi intensyon ng Diyos na ipatupad sa mga hindi Israelita ang mga bawal na pagkaing ito. Ang layunin ng pagbabawal na ito sa pagkain ay upang maibukod ang Israel mula sa lahat ng mga bansa. Nang maganap na ang layuning ito, idineklara ni Hesus na lahat ng pagkain ay malinis na. Hindi na applicable sa mga Kristianong hindi Hudyo ang pagbabawal na ito katulad ng pagtutuli.
Iniwan ni Jesus ang napakaraming tao at nang makapasok siya sa bahay, tinanong siya ng kaniyang mga alagad patungkol sa talinghaga. 18 Sinabi niya sa kanila: Kayo ba ay wala ring pang-unawa? Hindi ba ninyo nauunawaan na anumang bagay na pumasok sa tao mula sa labas ay hindi nagpaparumi sa kaniya? Ito ay sapagkat hindi ito pumapasok sa kaniyang puso kundi sa tiyan at ito ay idinudumi sa palikuran. Sinabi ito ni Jesus upang ipahayag na ang lahat ng pagkain ay malinis.
Markos 7:19
Binigyan ng Diyos ng isang pangitain si Pedro kung saan idineklara Niya na maaari ng kainin ang mga maruming pagkain. “Muli niyang narinig ang tinig at ang sabi sa kanya, “Huwag mong ituring na marumi ang nilinis ng Diyos” (Mga Gawa 10:15). Nang mamatay si Hesus sa krus, ginanap Niya ang mga batas sa Lumang tipan (Roma 10:4; Galatia 3:24-26; Efeso 2:15). Kasama sa mga batas na ito ang tungkol sa malinis at maruming pagkain.
Itinuturo sa atin ng Roma 14:1-23 na hindi lahat ng mananampalataya ay malago na sa pananampalataya upang tanggapin ang katotohanan na nilinis na ng Diyos ang lahat ng pagkain. Dahil dito, kung makakatagpo tayo ng isang mananampalataya na natitisod dahil sa ating pagkain ng mga pagkain na titinuturing na marumi, dapat nating isuko ang ating kalayaan upang hindi masaktan ang taong iyon. May karapatan tayong kainin ang lahat ng gusto natin, ngunit wala tayong karapatan na saktan ang ibang tao, kahit na mali sila. Para sa mga Kristiyano sa panahong ito, malaya tayong kainin ang anumang gusto nating kainin hanggat hindi nagiging dahilan ang ating kalayaan ng pagkatisod ng iba.
Sa Bagong Tipan ng biyaya ng Diyos, mas interesado ang Diyos sa kung gaano karami ang ating kinakain kaysa sa mga pagkain na ating kinakain. Ang pagpipigil sa ganang kumain ay isang paglalarawan ng ating abilidad upang kontrolin ang sarili. Kung hindi natin kayang kontrolin ang ating pagkain, malamang na hindi rin natin kayang kontrolin ang iba pang masasamang gawa gaya ng pagnanasa, galit, poot, at hindi natin kayang pigilin ang ating bibig sa pagkakalat ng tsismis o sa pagpapasimuno sa pagkakabaha-bahagi sa iglesya. Hindi natin dapat hayaan na kontrolin tayo ng ating ganang kumain (Deuteronomio 21:20; Kawikaan 23:2; 2 Pedro 1:5-7; 2 Timoteo 3:1-9; 2 Corinto 10:5).