Ang ikalawang huling salita ni Hesus. “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon ay kakasamahin kita sa Paraiso”. Isalaysay natin ang buod ng pangyayari ayon sa ebanghelyo ni San Lukas. (23:39-43)
“Tinuya rin siya ng isa sa mga salaring nakapako sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at pati na rin kami.” Ngunit pinagsabihan naman ito ng kanyang kasama, “Wala ka na bang takot sa Diyos? Ikaw ay pinaparusahan ding tulad niya! Tama lamang na tayo’y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito’y walang ginawang masama.” At sinabi pa nito, “Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na. Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso.”
Nagkakapareho ang apat na ebanghelyo at iisa sa pagpapatunay ng ‘pangungutya ng mga pariseo at ng isa sa mga magnanakaw. Marahil sa pagiging isang manggagamot ni San Lukas ang dahilan kung bakit idinetalye niya ang kwento tungkol sa isang ‘mabuting magnanakaw’. ‘The Good Thief’.
Meron nga bang mabuting magnanakaw? Alam natin ang kwento ni Robinhood ngunit kahit kailan, mali ang pagnanakaw kahit buhayin pa natin ang pamilya o ipamigay man sa mga mahihirap ang ninakaw. Ang pagkamit ng kabutihan sa pamamagitan ng maling pamamaraan ay hindi nagiging tama. Ikapito sa sampung utos ng Diyos. ‘Huwag magnanakaw’. Sa kontekstong ito ng ‘The Good Thief’, mas nararapat na itawag natin sa kanya ay ‘Penitential Thief’. “Ang magnanakaw na nagsisi”. At ang isa naman ay ‘unbelieving Thief’
Ako si Gestas
Hindi naman ako magnanakaw pero sa mga yugto ng buhay ko, nawalan ako ng pananampalataya kay Jesus.
Pinalaki kami ng mga magulang ko sa magandang asal. Nagdadasal kami ng gabi-gabi. Nagsisimba tuwing linggo at laman din kami ng simbahan kapag may mga okasyon. Sinalihan ko na lahat ng ministry. Naging altar server, naging reader, naging collector, naging choir. Sa mga panahon na iyon, unti-unti nakaramdam ako ng inip. Na bored ako. Napansin ko masyado na’ng ritualistic ang pagiging Kristiyano ko. Kapag nagrorosaryo na kami, pinapansin ko na ang paulit-ulit na dasal. Walang laman. Minsan pa nga, habang nagre recite ako ng ng Hail Mary, biglang sisingit na ‘Kuya, paki-patay nga ang kalan’.
Sa kabila ng aking pagdududa, naging mabuting anak naman ako. Magalang. Masunurin sa magulang. May respeto sa kapwa. Mabuting kapatid, kaklase at kaibigan. Walang masamang bisyo. Nagtitinda ng kakanin sa palengke, sa sari-sari store, tumutulong sa pamilya para makaraos. Kung ang basehan ng kung paano pumunta sa langit ay ang kabaitan at paggawa ng mabuti lamang, pakiramdam ko pasado na ko. Ang paniniwala ko noon, maging mabait ka lang at wala ka namang piniperwisyong tao, at least naniniwala ka na may Diyos, aakyat ka na sa langit.
Ganito ang pagpapahayag sa akin ng isa sa aking kaibigan hindi Katoliko, na ayon daw kay San Pablo.
Ang sulat ni San Pablo sa mga taga Galatia (Galatians 2:16)
“….. Tayo rin ay sumampalataya kay Cristo Jesus upang tayo ay mapaging-matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo at hindi sa pamamagitan ng pagsasagawa ng kautusan. Kaya nga, walang sinumang mapapaging-matuwid sa pamamagitan ng pagsasagawa ng kautusan.”
Sumampalataya ka lang, justified ka na. Ito daw ang ang kwento ng magnanakaw.
Napaisip ako, aba mukhang totoo nga. Hindi lang bored, pagod na pagod na ko sa napakahirap tuparin na mga utos ng Diyos at batas ng simbahan, etong isang magnanakaw, nakapag shortcut, walang ginawang mabuti. Hindi sya nag trabaho ng marangal, at sa isang iglap, ‘sumampalataya’ lang sya kay Jesus – ligtas na. Unfair?
Nasusulat na ang Diyos ay makatarungan at maawain. Dalawang salita na hindi pwedeng magkahiwalay sa buhay pananampalataya ng isang Kristiano. Ang magnanakaw na din ang nagsabi at inaamin niya na nararapat lang sa kanila ang ipako sa krus dahil sa pagkakamali nilang ginawa. Ang kasalanan ay may katumbas na consequence. Kaparusahan. Hustisya.
Subalit, sa kabila ng kanilang parusa, si Dismas, ay tumanggap ng regalo hindi lang dahil sa kanyang pananampalataya kay Kristo kundi dahil na din sa pag-amin ng kanyang kasalanan. Napasakanya ang walang hanggang awa ng Diyos.
Ayon sa sulat ni St. James, kailangan natin ng gawa, ang pagsisisi ay isang gawa at ang kaligtasan ay hindi lamang sa pananampalataya. Dahil ang pananamplataya na walang kalakip na mabuting gawa ay patay. (James 2:14-26). Nangangahulugan na ang ating mga pagkilos at paggawa ay bunga o pagpapatunay ng ating pananampalataya kay Kristo. Sa aking karanasan, ang aking mga mabuting gawa ay pawang pakitang tao lamang at hindi bunga ang aking pananampalataya.
Ako si Dismas
Sa kabila ng ating pagsunod sa kautusan o paggawa ng kabutihan, minsan ay natitisod o nagkakamali tayo. At sa bahagi ng buhay ko, natisod din ako. Nagkasala.
Madaling maging Gestas pero napakahirap maging Dismas. Mahirap tanggapin at aminin ang ating pagkakasala. Maraming pagkakataon ang paghingi ng tawad dulot ng samaan ng loob. Sama ng loob sa aking asawa, sa aking ina, sa aking ama, at sa aking mga kaibigan. Alitan sa aking mga kapitbahay at sa mga kasama sa simbahan. Lahat naman siguro tayo at sa lahat ng uri ng relasyon.
Sa kaso ni Dismas, binasag nya ang relasyon nya sa kanyang napagnakawang kapitbahay, pamayanan at lipunan na kanyang ginagalawan. Baka nga hindi masyadong mahirap para sa kanya ang paghingi ng tawag kay Jesus dahil nasa bingit na sya ng kamatayan. Pero tayo, tayo na nandito ngayon ay nahaharap sa isang hamon: Ang hirap ng pag amin ng ating kasalanan. Tayo ay takot na masaktan. Ito marahil ang humadlang sa akin upang harapin at tanggapin ang aking mga pagkakasala. Ego ko ang nakataya. Ayaw kong bumaba. Ayaw kong mapahiya. Natatakot ako na hindi ako mapatawad.
Bakit nga ba mahirap humingi ng tawad? Mas madali kasi ang pagtakpan na lang. Madaling magsinungaling kesa umamin. Ang ating mapagmataas ang nagdidikta sa atin na bababa ang pagtingin natin sa ating sarili. Mawawala ang respeto sa atin. At kadalasan ay i justify na lang natin na tayo ang tama o wala naman tayong ginawang masama o yoon ang nararapat lamang sa ganoong pagkakataon. Sabi nga nila, It takes humility to confess and ask forgiveness.
Ang madalas na pag iwas natin sa paghingi ng tawad ay mapanganib. Panganib na maaaring mawala na ang ating konsensya o namamanhid na ang ating budhi sa kahit ano pang uri ng kasalanan. Kapag palagi nating itinutuwid ang baluktot, aabot tayo sa sitwasyon na hindi na natin alam ang tama at mali. Aabot tayo sa sitwasyon na palagi na lamang tayo ang tama. Hindi na tayo aamin ng mali at hihingi pa ng tawad. Hindi na din makakapasok ang Diyos dahil titigas na ang ating puso.
Sa kabilang banda naman, kung tayo ay natutong magpakumbaba, matutong uminda ng sakit at ng kahihiyan, bababa ang grasya ng Diyos at makakamit natin ang isang pagpapalaya. Ang pagsisisi ay mauuwi sa pagtitiwala. Manunumbalik ang pagkakasundo at ang magandang relasyon. Maghihilom ang sugat. Magkakaroon na bagong buhay at pagasa.
Iyan ang pangakong ibinigay ni Jesus kay Dismas. Isang katiyakan sa paraiso at buhay na walang hanggan.
Amen.
Read more bout the case of Dismas explaining why the his case does not support the false Protestant teaching of ‘Faith Alone’
https://www.catholic.com/magazine/online-edition/the-good-thief-isnt-good-for-protestant-doctrines