Tatanungin ka ba naman ng ano sa mga 613 na batas sa Torah ang pinaka ‘dakila’. Hinuhuli lang ng mga pariseo is Jesus sa tanong na yon. Kasi, sa paniniwala ng mga Hudyo, ang lahat ng kautusan sa Mosaic law ay dapat tupdin at wala dapat mas mabigat o mas dakila. Kinakailangan nilang masunod ang batas para maging matuwid sa paningin ng Dios at makamit ang kaligtasan.
Ito rin ang diskusyon at argumento ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga Galatia:
Tayo mismo ay ipinanganak na mga Judio at hindi mga “makasalanang Hentil.” Nalalaman natin na walang sinumang itinuturing na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, kundi sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. Kaya’t tayo’y sumasampalataya kay Cristo Jesus upang ituring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Sapagkat walang sinumang itinuturing na matuwid dahil lamang sa pagsunod sa Kautusan.
Galatians 2:15-16
Sinagot naman ng Panginoon ang tanong.
“Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang dakila at pangunahing utos. At katulad nito ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’
Matthew 22: 34-40
Isang pagbubuod ang naging kasagutan ng Panginoon na sumesento sa ‘pagibig’. Pag-ibig sa Diyos at sa kapwa. Ang pagsunod sa kautusan ay walang kabuluhan kung hindi natutuon sa pag-ibig. Kung sumusunod lamang tayo dahil gusto lang nating makarating sa langit at makaiwas sa impyerno ay isang makasariling pananaw. Ang paggawa natin ng kabutihan ay ang ating tugon sa pagmamahal ng Diyos na ibinigay sa atin.
At ayon nga kay San Pablo, ni hindi mo kailagan sundin ang pagtutuli bilang tagasunod ni Kristo, kundi ang ating pananampalaya at pagmamahal sa Diyos at sa kapwa na nagbubunga ng mabuting gawa.
Sapagkat kay Cristo Jesus, hindi na mahalaga kung ang pagiging tuli o di-tuli, kundi ang pananampalatayang pinatutunayan sa pamamagitan ng pag-ibig.
Galatians 5:6